News
“Singing Kartero” Muling Magpapakilig Ngayong Buwan Ng Pag-ibig
Ngayong panahon ng mga puso, muling magpapakilig ang mga tinaguriang “Singing Kartero” ng Philippine Postal Corporation o PHLPost.
Muling binuksan ang Manila Central Post Office ang kanilang postal counters upang tumanggap ng ipadadalang mga bulaklak, tsokolate, at regalo para sa mga minamahal, na sigurado namang matatanggap pagsapit ng Araw ng mga Puso sa ika-14 ng Pebrero.
Ihahatid ng mga Singing Kartero ang mga padala sa pamamagitan ng pinakamabilis na Domestic Express Mail Service (DEMS) o ‘same day delivery’ para sa loob ng Metro Manila at karatig lugar.
Sa proyektong Love Express, ang customer ay maaari ring mag-preorder ng kanyang napiling ipadala sa ‘one-stop shop’ na nakaistasyon sa lobby ng Manila Central Post Office, kung saan makakapamili ng mga bulaklak, tsokolate, greeting cards, stuffed toys, at iba pang Valentine novelties sa abot-kayang halaga. May inihanda ring aktibidad tulad ng love lock, valentine wall and love note, personalized printing of V-shirt at DJ booth (love music request).
Sa halagang P2,000 na package, puwede nang mapakinggan ang mga awiting espesyal na pinili ng nagpadala na aawitin ng mga piling kartero ng PHLPost sa harap ng kanyang pinadalhan kasama ng bouquet of flowers at card.
Para sa mga order at delivery, ang cut-off time sa pagtanggap ng mga Valentine mail matters ay 10:00 ng umaga para sa Metro Manila Area, Cavite at Bulacan.
Nais ng PHLPost na mabigyan ng kasiyahan at “kilig” factor ang mga nagmamahalan sa pamamagitan ng mga Singing Kartero upang lalong maging espesyal at memorable ang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso.
Para sa karagdagang impormasyon, tumawag sa PHLPost sa (02) 527-0144 o 527-0145. (PHLPOST/RJB/JEG/PIA-NCR)