News
Pres. Aquino III’s Christmas Message 2014
Tuwing sasapit ang Pasko, ginugunita natin ang araw na isinilang si Hesukristong ating tagapagligtas at ang wagas Niyang pagmamahal sa sanlibutan.
Mula sa kanyang kapanganakan, itinuro na ng Panginoon ang halaga ng kababaang-loob. Imbes na sa isang mansyon o sa marangyang lugar, pinili niyang dumating sa atin sa payak na sabsaban. Bilang Mesiyas, binigyan Niya ng pag-asa ang naliligaw ng landas; pinangunahan ang Kanyang mga disipulo sa matibay na pananampalataya; at nagsilbing bukal ng malasakit at paglilingkod sa kapwa.
Ang mga dakilang aral na ito ang ating gabay sa mabuting pamamahala sa bansa. Narito ang inyong gobyerno, hindi para unahin ang sarili, hindi para maghari-harian, kundi upang magsilbi sa kanyang mga Boss, ang sambayanan.
Patuloy nating itinatama ang mali sa sistema; Itinutuon natin ang pansin sa paghahatid ng agarang benepisyo sa ating mga kababayan, lalo na sa mas nangangailangan. Malinaw natin itong ipinapamalas sa nagdaang mahigit apat na taon: Mula sa pagpapanagot ng tiwali, sa pagresolba sa minana nating mga hamon at problema ng mga institusyong pampamahalaan, sa pagtugon sa pangangailangan ng mga kababayan nating naiipit sa kaguluhan at biktima ng kalamidad, hanggang sa pagpapalawak ng oportunidad upang iangat ang antas ng pamumuhay sa ating bayan.
Lalo namang nagiging makahulugan ang Pasko, kung sasamantalahin natin and pagkakataon upang higit na mapalapit sa ating mga kapamilya. Alam naman po natin, ang pagmamahalan ng pamilyang Pilipino ay walang kinikilalang hangganan o teritoryo. Hindi ba’t isa ito sa ipinagmamalaki nating katangian ng ating lahi. Magkalapit man o magkalayo, talagang hindi tayo nagkukulang sa pagpapadama ng pagmamahal sa ating pamilya.
Magandang pagkakataon din ang okasyong ito upang balikan ang lumipas na taon, at magpasalamat sa biyayang patuloy na pinagpapala ng Maykapal. Lahat po tayo ay nangamba dahil sa pagpasok ng Bagyong Ruby. Ngunit dahil sa Kanya, nabigyang-lakas po tayo upang mailayo sa panganib ang napakarami nating kababayan. Huwag sana nating malimutang isama sa ating panalangin ang mga kapwa nating napilitang lumikas; at huwag rin sana nating malimutang magpasalamat sa Panginoon dahil, bagaman nagdulot ng pinsala si Ruby, di-hamak na mas marami ang nailigtas at ngayon ay makapagdiriwang ng Pasko kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.
Sa nalalapit naman pong pagbisita ng Santo Papa sa bansa, tiyak na lalong aalab ang pag-asa, at lalalim ang pananalig, hindi lamang ng mga nangangailangan nating kababayan, kung hindi maging ng lahat ng kapatid nating Kristiyano.
Bilang mga tagasunod ni Hesus, tungkulin ng bawat isa sa atin ang tumulad sa Kanyang halimbawa. Sa araw-araw nating pagharap sa sangandaan, nawa’y piliin natin ang mabuti, ang tapat at ang makatarungan. Pumanig tayo sa mga taong tumototoo sa kanilang salita, at inuuna ang makabubuti sa kapakanan ng kapwa.
Sama-sama nating ipanalangin na bigyan tayo ng lakas upang ipagpatuloy ang ating mga nasimulan. Maging bukal tayo ng lakas, malasakit at pagmamahal sa kapwa, habang ginagawa nating permanente ang tinatamasang makabuluhang pagbabago. Ito ang magiging handog natin sa susunod na henerasyon: Isang Pilipinas na malaya sa katiwalian, pangmatagalan ang kapayapaan at bawat Pilipino ay may kakayahang itaguyod ang buhay na tunay na marangal at masagana.
Isang maligayang Pasko po sa ating lahat.