News
Manggagawa sa Central Visayas Tatanggap ng Karagdagang P13 sa Sahod Simula Ngayong Linggo
Ipinalabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang Wage Order No. ROVII-20 na nag-aatas ng pagtaas sa arawang minimum na sahod sa mga manggagawa sa probinsiya ng Cebu, Bohol, at Siquijor.
Ang pagbabago sa sahod ay magiging epektibo sa Marso 10, 15 araw matapos maipalathala ang wage order sa lokal na pahayagan sa nasabing rehiyon.
Sa commercial at industrial sector, ang mga manggagawa sa siyudad at munisipalidad na nasa Class A o expanded Metro Cebu ay tatanggap ng P366 bagong arawang minimum na sahod, samantalang ang mga manggagawa sa Class B, kabilang ang siyudad ng Toledo, Bogo, at ang iba pang munisipalidad sa Cebu, maliban sa Bantayan at Camotes Island, ay tatanggap ng arawang sahod na P333.
Magiging P323 naman ang arawang minimum na sahod ng manggagawa sa Class C kabilang ang Bohol at Negros Oriental.
Ang Class D na binubuo ng munisipalidad ng Siquijor at Bantayan at Camotes Island ay tatanggap ng P308. Sa agricultural sector, ang mga manggagawa sa siyudad at munisipalidad na nasa Class A ay tatanggap ng arawang sahod na P348 (non-sugar) at P316 (sugar); at P318 (non-sugar) at P303 (sugar) para sa manggagawa sa Class B.
Tatanggap ang mga manggagawa sa siyudad at munisipalidad na nasa Class C ng P303 (non-sugar at sugar) samantalang ang manggagawa sa munisipalidad na nasa Class C ay tatanggap ng P288 (non-sugar) at P303 (sugar) arawang sahod.
Ayon kay DOLE-RO 7 Regional Director Exequiel R. Sarcauga, hindi sakop ng bagong wage order ang mga kasambahay at mga nagbibigay ng personal na serbisyo, dahil sila ay sakop ng Wage Order No. RBVI-D.W. 1 na ipinalathala noong Disyembre 2015.
Hindi rin sakop ng bagong wage order ang mga manggagawa ng rehistradong Barangay Micro Business Enterprises (BMBEs).
Kanya ring idinagdag na hindi dapat bababa sa 75 percent sa iniatas na minimum na sahod ang tatanggapin ng mga apprentice. Sa kabilang banda, tatanggapin naman ng mga kwalipikadong manggagawang may kapansanan ang buong halaga na nakasaad sa bagong wage order. (DOLE)