News
Kuwalipikasyon sa Labor Deputy, Itinakda ng Department of Labor and Employment
Naglabas ng administrative order si Labor Secretary Silvestre Bello III na nagtatakda ng kuwalipikasyon at requirements para sa mga miyembro ng labor groups na nais maging bahagi ng labor laws compliance assessment team ng Department of Labor and Employment (DOLE).
“Kami ay magde-deputize ng miyembro ng mga labor group upang tulungan kami na magsagawa ng inspeksyon sa higit kumulang 90,000 establisimento upang matiyak ang kanilang pagsunod sa mga labor standards at umiiral na batas sa paggawa.Ang pagtatalaga namin ng mga deputy ay isang istratehiya upang mas mapabilis ang pagpapatupad ng DO 174,” ayon kay Bello.
Batay sa Administrative Order No. 164, ang mga kuwalipikadong miyembro lamang ng mga Legitimate Labor Organizations (LLO), Labor Associations (LA), Chartered Locals (CLs), National Union/Federation (NUF), Accredited Integrated Professional Organization/Accredited Professional Organization (AIPO/APO), Non-Government Organization (NGO), at Employer’s Organization (EO) ang maaaring makibahagi sa mga labor law compliance assessment activities, kabilang ang pagdalo sa mga pagpupulong.
Kuwalipikado rito ang mga nasa 18 taong gulang na sa oras ng pagpapalabas ng kanilang Authority to Assess; nakatapos ng high school education; walang pending na criminal, civil, o administrative case; dalawang taon nang miyembro ng isang maayos at lehitimong organisasyon; at nakatapos at nakapasa sa mga pagsasanay na kinakailangan at itinatakda ng labor department.
Ang mga makikiisang miyembro ay dapat na magsumite ng proof of compliance kasama ang mga requirements sa DOLE Regional Office kung saan nila nais na makibahagi para sa assessment activities.
“Maaari lamang makiisa sa mga training program ang mga taong nakapasa sa requirements. Alam namin na ang mga labor group ay batid na ang mga panuntunan sa paggawa subalit kailangan pa nilang dumaan sa karagdagang pagsasanay mula sa DOLE bago sila maging deputy,” paliwanag ni Bello.
Sinabi rin ng kalihim na ang Authority to Assess ay ilalabas lamang sa mga matagumpay na nakatapos at nakapasa sa training program ng DOLE.
Ang mga kuwalipikadong miyembro ng mga labor group ay maaaring dumalo sa mga pagpupulong sa mga establisimento na kanilang na-assess, at sa pagtitiyak na rin na ginagawa ng mga DOLE Labor Law Compliance Officers (LLCOs).
Ang nasabing Authority to Assess ay may bisa hanggang matapos ang taon at maaaring bawiin kung may naganap na pananakot at pagpilit sa mga manggagawa o iba pang paglabag sa batas sa serbisyo publiko.
Ang mga deputy inspector ay pangangasiwaan ng mga LLCO at kikilos bilang mga volunteer at hindi makatatanggap ng kabayaran para sa kanilang serbisyo. (Abegail De Vega/ Paul Ang-DOLE)