Connect with us

Featured

Abril: Buwan Ng Panitikang Filipino — Pilipino Ka, ‘Di Ba?

Published

on

Wika nga ni Bb. Elle Woods (Reese Witherspoon) sa pelikulang Legally Blonde 2: Red, White And Blue: “Ang matapat na tinig ay mas malakas sa ugong ng maraming maiingay (An honest voice is louder than a crowd’s).”

Pilipino ka, ‘di ba? Hindi ka pilit-pino. Pilipino ka!

Sa ika-siyam ng Mayo, kusa kang tutungo sa itinakdang pook ng pagboto. Walang pag-iimbot mong tutuparin ang marangal at makabayang tungkulin na maghalal ng mga huwarang pinuno.

Maluwag sa puso mo ang maging bahagi ng kasaysayan na inaasahang makapagdudulot ng masagana at mapayapang kinabukasan para sa iyo, sa iyong pamilya at sa lahat.

Hindi ka pilipit noo. Pilipino ka!

Likas na talino at wastong pag-iisip ang paiiralin mo sa iyong pagpili ng tamang kandidato.

Mananaig sa iyong diwa ang pagsulong sa kapakanan mo at ng iyong kapwa.

Aapaw sa iyong puso ang pagkalinga, pagmamahal at pagiging matapat sa Inang Bayan.

Hindi ka bobotante. Pilipino ka!

Lalayo ka sa ingay ng kasinungalingan at paninirang-puri na naglilipana sa iyong paligid at sa social media.Isasabasura mo ang mga intriga.

Magiging bulag at bingi ka sa mga panunuri o survey na gawa-gawa at kathang-isip lamang.

Batid mo na ang mga ito ay hindi makatutulong sa iyong pagsasagawa ng isang matuwid na pagpapasya.

Hindi ka bilitante. Pilipino ka!

Militante kang naturingan sa pangangalaga ng iyong ‘di-mababayarang dangal.

Hindi ka nanghihingi o tumatanggap ng salapi at anumang bagay sa mga kandidato at kanilang alagad.

Ipamumukha mo na ang ningning ng suhol ay maaaring maging piring sa iyong mga mata, katumbas ng iyong pananahimik habang nilalapastangan ng mga bugok at bulok na pinuno ang sambayanan sa anim na taon.

Hindi ka palenkera. Pilipino ka!

Tulad ng isang masinop na mamimili, hihimayin at kikilatisin mo ang bawat hibla ng listahang balak ipatupad ng kandidato. Pag-aaralan at sasang-ayunan mo ang platapormang makabubuti at makatutulong sa iyo.

May pangamba ka sa nilalaman ng listahan, ngunit umaasa ka pa rin na ito sana’y hindi suntok sa buwan, hindi nasusulat sa tubig, hindi itinataga sa bato, at higit sa lahat, hindi napapako.

Paniniwalaan mo ang pangako ng iyong boto, hindi ang mga isinusumpa ng mga kasumpa-sumpang politiko.

Paninindigan mo ang binabayarang buwis, at hahanapin mo ang kaukulang kapalit na paglilingkod-bayan.

Higit sa lahat, hindi ka kampon ni Satanas. Pilipino ka!

Pagiging maka-Diyos at makatao, ‘yan ang mga birtud na iyong taglay at pinahahalagahan.

Kung kandidato ka, nakatanim sa iyong bumbunan na sagad na ang galit ng taumbayan sa mga sinungaling, gahaman at magnanakaw, puro porma’t ngawa ngunit kapos sa gawa, walang paggalang sa karapatang pang-tao, manduduro at nagpapanggap na siga, manunupil, tuta ng mga sakim na kabayan at banyaga, at marami pang iba.

Kung kandidato ka, nakasaksak sa iyong tuktok na mulat na ang taumbayan. Walang puknat at patawad ang kanilang pagtanggi at paglaban sa mga politikong may makasariling layunin na maghari-harian at magpayaman.

Kung kandidato ka, tandaan mo na ika’y nasa wastong gulang na. Hindi mo na kailangan ang “daya-first.”Kung kandidato ka, tuwina kang nananalig kay Bathala at sa sambayanan na basbasan ka ng nararapat na lakas at katinuan upang harapin at malampasan ang mga pananagutan ng katungkulan na iyong tinututukan.

Kung botante ka, lagi mong ipagdarasal na harinawa’y manaig ang busilak na kabutihan ng bawa’t Pilipino sa mga panahong ito.

Mananalangin ka rin na matapos na ang bangungot ng kahunghangan, kahangalan at kabuktutan na pinaiiral ng mga makapili at mga kabayang maiitim ang budhi’t kaluluwa.

Kung botante ka, tutularan mo si Karen at ang isang madlang may malasakit sa kinabukasan ng bayan.

Kanilang isinisigaw: “Wala sa susunod na mga pinuno ang kapangyarihan. Nasa akin, nasa sagradong boto ko! Bilang mamamayan, ako ang naghahalal. Mga kandidato ang humihingi ng suporta at boto ko. Nasa akin ang kapangyarihan! At ang kapangyarihang ito ay ipinagkaloob ng Maykapal sa isang malayang sambayanan.”

Kung anupaman, ako’y humihingi ng paumanhin.Opo! Wala na akong karapatang lumahok sa anumang halalan sa Pilipinas. Nang huli kong tingnan ang website ng Commission on Elections, tanggal na ang aking pangalan sa talaan ng mga botante sa Cainta, Rizal.

Nararapat lamang ito. Una sa lahat, hindi ako bumoto nitong huling dalawang halalan. Pangalawa, hindi na ako nakatira sa Cainta. Pangatlo, hindi na ako muling nagpatala. Pang-apat, ako’y nasa ibayong dagat na.

Hiniyakat ako ng ilang kaibigan na mag-dual citizenship. Ngunit may nagpayo na mahirap mamangka sa dalawang ilog. Sambit naman ng aking kabiyak, mahirap ang may dalawang kusina.

Maitatanong ninyo: Bakit nga ba ako nakikialam pa sa politika ng Pilipinas?

Ang dahilan: Tulad ng napakaraming iba, nasa Pilipinas ang aking puno’t ugat. Pilipinas ang ‘aking lupang sinilangan … ang tahanan ng aking lahi.’Pilipinas ang aking kinalakihan. Marahil, Pilipinas ang aking magiging hangganan.

Gayunpaman, hindi maitatatwa na nakaukit na sa aking puso’t diwa ang isang panata ng katapatan na nuon ay tuwinang binibigkas matapos awitin ang Lupang Hinirang.Ang huling halayhay ng Panatang Makabayan ay “Sisikapin kong maging isang tunay na Pilipino sa isip, sa salita at sa gawa.”

Angkop ang pananalita ni Bb. Elle Woods, kabayan. Matapat ka. Pilipino ka. (PNA Features) SCS/LAM/RCG

Continue Reading
Advertisement
Comments

Subscribe

Advertisement

Facebook

Advertisement

Ads Blocker Image Powered by Code Help Pro

It looks like you are using an adblocker

Please consider allowing ads on our site. We rely on these ads to help us grow and continue sharing our content.

OK
Powered By
Best Wordpress Adblock Detecting Plugin | CHP Adblock