Featured
Abril: Buwan Ng Panitikang Filipino — Iba’t-Ibang Dila, Iisang Bansa
Isang turista ang nagsapalarang dumalaw sa kaibigan sa kabundukan ng Timog Pilipinas. Siya ay lumapit sa isang umpukan at nagtanong: “Is this the town of San Isidro?”
“Wen,” sabi ng Ilokano. “Wai,” tugon ng Magindanaw. “Haw,” ingon ng Ilonggo. “Ho,” sambit ng Tagalog. Iiling-iling na umalis, wari’y nagmumuni-muni ang turista: “Seriously? When, why, how, who?”
Kung nalito ang foreigner sa nagkakaisang “yes” ng mga kausap, paano na ang mga Pilipino na kailangang makibagay sa isang daan at walumpu’t limang (185) uri ng pananalita na malayang binibigkas sa buong bansa?
In fairness, wala pa rito ang English, Spanish, Chinese, Arabic, Hindi at marami pang banyagang usapin.Nakaka-wingdang nga ang pakikisalamuha sa mga kababayan na mula sa iba’t-ibang dako ng Pilipinas, na binubuo ng pitong libo anim na raan at apatnapu’t isang (7,641) mga pulo, depende pa kung high tide o low tide.
Pero, sa umpisa lang ang ligalig na dulot ng iba’t-ibang pananalita ng mga Pinoy.
Matapos ang walang-sawang kantiyawan at tawanan, malao’y iiral din ang pagkaka-unawaan.
Isang taga-Maynila na napadpad sa Mindanao maraming taon na ang lumipas, ako’y natutong magpatalas ng dila dahil sa langgam.
“Ang langgam naglupad-lupad,” sabi ni katotong Ilonggo sa amin ni kasamang Kapampangan. Palinga-linga na parang tanga, naghanap ako ng anay. Wala!
Itinuro ni Ilonggo ang ibon na masayang humuhuni sa dulo ng sanga ng punong langka. “Ah, langgam … ibon,” tugon ko. Paliwanag ni Kapampangan, “Ang ebun, itlog.” “Huh?” Salita pa more: Ang “ibon” sa Katagalugan ay “ayup” na sa Pampanga.
Not gonna happen. Ito ang nasa isip ko nang ituro ni kasimanwa ang kumpol ng buko sa taas ng puno ng niyog, sabay pasabi na “magsaka” daw kami. What? Mag-isa kang iakyat ang kalabaw sa puno at araruhin ito.
On second thought, mukhang exciting dahil hindi maputik.Kamot na lang ako ng ulo nang sabihan ako ng “pila” na may accent pa habang bumibili ng marang, durian, rambutan at mangosteen sa Cotabato City Fruitstand.
Ay, ambot! Ako na nga lang ang nasa paligid, papipilahin pa. Sa kabilang banda, ‘di ba ito’y pagpapakita ng disiplina at kaayusan?
Nang ang aking bunso na ipinanganak at lumaki sa lungsod ng Cotabato ay nag-aral sa isang grade school sa Cainta, Rizal, laging pinapatawag ng principal ang kanyang lola.Sa pag-uwi, lagi din siyang may paalala patungkol sa Good Manners and Right Conduct mula kay Mommy.
Ang dahilan, madalas daw niyang sinasabi sa mga guro ng Science at Math: ”Ma’am, makalibog ka man.”
Shocking ba? Ipagtanong mo na lang sa taga-Visayas kung ano ang context ng tinuran ni shoti.
Aray! Agay! Ayayay! Ala, e! Harinawa’y maiwasan rin ang ganire.
Buhat-buhat nina Tagalog at Cebuano ang bawa’t dulo ng isang mahaba at mabigat na tabla.
Tagalog: “Bay, kayang-kaya ba?” Cebuano: “Bitaw.” Nars sa ospital: “Anyare?”
Ay ambot! Minsa’y may patotoo rin ang mga katagang “Umiiwas maging pritong tinik ang isdang tahimik.”
Gaya ng nasabi ko na, sa simula lang ang “libog (pagka-lito).” Sa malaon ay iiral din ang pagkaka-unawaan.
Kung inaakala ninyo na sa Pilipinas lang nangyayari ang ganitong mga eksena, halina at bumisita sa Toronto, sa lalawigan ng Ontario. Ang Toronto ay ang pinakamalaki at pangunahing lungsod sa Canada.
Ang Greater Toronto Area (Toronto, North York, East York, Scarborough at Etobicoke) ay tahanan ng may mahigit dalawang daang libong (200,000+) Pilipino. Maraming Pilipino rin sa mga karatig-pook ng Mississauga, Brampton, Markham, Vaughan, Pickering, Ajax, Richmond Hill at Oakville.
Baybayin natin ang kahabaan ng Bathurst St. sa loob ng No. 7 bus ng Toronto Transit Commission. Araw-araw, mula umaga hanggang gabi, maraming Pilipino ang sakay ng bus.Minsa’y natanong ako ng isang puti kung ano ang kakaiba at mahiwagang pangungusap ng aking mga kalahi na halos sabay-sabay na nagbabalitaktakan, kausap man ang katabi o ang isang cellphone, sa loob ng bus.
Sagot ko: “I wish I knew what they are talking about. I can’t understand some of them. And if they listen closely to one another, I’m sure they will be in a bind similar to mine.”
Reaction niya: “Unbelievable! And you are all from the Philippines?”
Ganyan din ang mga karanasan ng mga hindi-kalahing Torontonian kapag nakihalubilo sila sa mga Pilipinong nagsisimba sa Our Lady of Lourdes Church sa Sherbourne St.; kapag nakisaya sila sa mga kababayang dumadalo sa mga palabas at street festivals na nagpapahalaga sa kultura ng Pilipinas sa downtown; at kapag nakisama sila sa mga Pilipinong pumapasyal sa Canadian National Exhibition, Canada’s Wonderland at Toronto Centre Island.
Ulat ng local TV weather channels, ang naudlot na spring (Abril, Mayo at Hunyo) — dahil sa tilang pagbabalik ng lamig at snow ng winter – ay mangyayari na rin. Kasunod nito ang pinakahihintay ng lahat, ang summer o tag-init, mula Hulyo hanggang Setyembre.
Muling magdadagsaan ang mga Pilipino sa isa sa mahigit isang libo at limang daang (1,500+) mga park sa Toronto. Paborito nila ang Earl Bales Park, kung saan may bantayog ang pambansang bayani Dr. Jose Rizal.
Sa park nila idinaraos ang pista ng kani-kanilang mga patron saints. Sa park nila ipinagdiriwang ang pista ng kani-kanilang barangay, bayan, lungsod, munisipyo at lalawigan.
Sa park nila isinasagawa ang mga mga kita-kits o reunion ng pangkat o grupo. Sa park nagtitipon-tipon ang mga Pilipinong may malalaking angkan sa Canada at sa Estados Unidos.
Busog sa marangyang handaang potluck, simula na ng umaatikabong huntahan.
Upang maiwasan ang umpukang bara-barangay na maaaring maganap kapag may gumamit na ng wikang nakagisnan sa Pilipinas, nagiging Inglis na ang pag-uusap.
Hay, naku. Kahit ano pa ang gawin, hindi talaga maiwasan na paminsan-minsa’y nasasangkapan pa rin ang usap-usapan ng wikang tunay na alam.
Iyan ang Pilipino, nasa lupang sinilangan man o kung saang lupalop ng mundo napadako. May iba’t-ibang dila, ngunit nasa bakuran pa rin ng iisang bansa. (PNA Features) SCS/LAM/RCG